Sa Mundong Nilikha Natin

Sa mundong nilikha natin
Sa mundong kasing aliwalas ng tagsibol ang panahon, nagsisibukadkaran ang mga bulaklak at nasisiliparan ang mga paruparo
Sa mundong nagliliwanag ang gabi dahil sa libu-libong nagkikislapang mga bituing pumapalibot sa mayabang na pagkinang ng buwan na tila hindi nanghiram ng ningning sa araw
Sa mundong walang puwang ang kalungkutan kung saan umaalingawngaw ang ating tawanan na tanging bumabasag sa katahimikan ng matatamis nating pagpapalitan ng ngitian
Sa mundong malaya nating napagsisigawan ang ating pagmamahalan kasabay ng pagbabahaginan ng matatayog nating pangarap sa isang hinaharap na tayong dalawa ang magkatuwang
Sa mundong nilikha natin
Sa mundong nilikha para sa atin lamang
Sa mundong nilikha lamang

Sa ganda ng ating nilikhang mundo
Naisip ko bakit hindi ko pag-isahin ang mundong meron ako at mundong meron tayo
Gawin kang tunay na tauhan sa buhay ko
Ipakilala ka sa iba pang mga pangunahing tauhan gaya ng sa totoong kuwento
Dahil para sa akin, mahal kita saan mang mundo.

Sa ganda ng ating nilikhang mundo
Akala ko ganun din ang tingin mo
Kaya mong pagniigin ang mundong meron ka at mundong meron tayo
Sa pagkakataong ito, nagkakamali pala ako.
Dahil mahal mo lang ako sa nilikha nating mundo.

Sa mundo mo, tila isa akong tauhan sa iyong kuwentong walang ibang gaganapang papel bukod sa kung anong meron tayo
Sa mundo mo, tila isa akong puta sa gabing ipinupuslit nang palihim sa natutulog na mundo para walang makasaksi ng kung anong meron tayo

Hanggang dun lamang ako sa nilikha nating mundo
Hanggang dun lang ako sa kung saan may tagsibol at mga lumilipad na mga paruparo
Hanggang dun lang ako sa kung saan maririnig ang ating tawanan
Hanggang dun lang sa kung saan natin nasisigaw ang ating pagmamahalan
Hanggang dun lang sa kung saan tanggap mo ako
Hanggang dun lang ako

Nandito ako ngayon nakatingin sa napakagandang mundong nilikha natin
Nakakahinayang na balewalain
Ang hirap talikuran ng magagandang alaala natin

Isa lang ang aking hiling
Sana maintindihan mo rin
Pwede bang dito nalang kita mahalin sa mundong nilikha natin gaya ng pagmamahal mo sa akin

Para kung sakaling gumuho ang mundong gawa-gawa natin
Mayroon pa ring mundong para sa akin

Comments

Popular posts from this blog

Saloobin 12

Saloobin 9

Saloobin 14