Dalawang Uri ng May Kapansanan sa Mata

Kahapon, sinamahan ko si Joeser magsimba sa National Shrine of Padre Pio sa may Sto. Tomas, Batangas. Kaarawan kasi nya. Kasama ang isa pa nyang kaibigan na si Golda, tumungo kami sa simbahan at dumalo sa misa.

Kung tama ang pagkakatanda ko, Father Arvin ang pangalan ng pari. Medyo quota yata kami sa mga Arvin ngayon kasi yung waiter na kamukha ni Jake Ejercito sa Max's Sta. Cruz yun din ang pangalan. Naalala kong biruan pa namin ni Joeser, sabi ko ay magpapa-cute ako sa waiter sabay kuha ng phone nya at aakmang tatawagan si hubs. Going back...

Sobrang tagal ko nang hindi nakakadalo ng misa kaya medyo nostalgic na di mo maintindihan. Nung mga panahong iyon naisip kong hindi na ako sanay at hindi ko nakikita ulit na magiging sanay ako sa buong misa. Ganun pa man, nakinig ako nang maigi lalo na sa mga pagbasa.

Ang unang pagbasa ay ang pagpili sa bunsong anak ni Jessie ng Panginoon (si Joseph the Dreamer yata ito) sa pamamagitan ng propetang si Samuel. Ang pangalawa naman ay ang Eph. 5:8-14. Ang gospel ay tungkol dun sa bulag na pinagaling ni Kristo sa araw ng sabbath.

Tumatak sa akin ang sinabi ng paring may dalawang uri ng kapansanan sa mata-- ang bulag at nagbubulag-bulagan. Hindi na gaanong mahirap malaman ang isang bulag dahil siya ay walang kakahayang makakitang pisikal.

Higit na tumanim sa akin ang pagbubulag-bulagan. Maraming pagkakataong ganun ako. Maraming panahon ang nawala at lumipas ng walang mabuting nangyari kasi nagbulag-bulagan ako.. Sa mga pagkakataong iyon, nasisilaw ako ng kahihiyan, pagkakaibigan, pride at kung anu-ano pa. Minsan, gawa na rin ito ng takot..

Pero ika nga ng isang mabuting kaibigan mula sa kolehiyo, "hinding hindi mo na maipipikit pa ang matang mulat na." Sa panahong nagbubulag-bulagan ako, napagkakaitan ko ang sitwasyong iyon ng kanyang pinakaangkop na resulta. isang resultang kalugod-lugod sa Panginoon.

Talagang panahon na ng pagbabago. Panahon na para tigilang magbulag-bulagan. Gaya ng sabi ng pari, kapag di mo makita, makikita mo.

Comments

Popular posts from this blog

Saloobin 12

Saloobin 9

Saloobin 14